Umabot sa 68 magsasaka ng mais sa Odiongan ang nakatanggap ng tulong na pataba mula sa lokal na pamahalaan upang suportahan ang kanilang pagbangon mula sa pinsalang dulot ng mga bagyong Luis, Maymay at Inday noong mga nakaraang buwan.
Ayon kay Mayor Roger Fodra, namahagi ang lokal na pamahalaan, katuwang ang Municipal Agricultural Office (MAO), ng 42 sako ng complete fertilizer at 26 sako ng urea sa mga magsasakang naapektuhan ng mga bagyo.
Nagkakahalaga ng ₱100,000 ang pondong inilaan para sa naturang tulong, na naglalayong masuportahan ang pagpapatuloy ng pagsasaka ng mga benepisyaryo.
Kabilang sa mga nakatanggap ng tulong ang mga magsasaka ng mais na may umiiral na crop insurance at aktibong nag-ulat ng pinsala sa kanilang mga pananim noong kasagsagan ng mga bagyo.
Hinimok naman ni Fodra ang iba pang magsasaka na agad iulat sa MAO ang anumang pinsalang dulot ng kalamidad upang maitala ang mga ito at matukoy ang posibleng kaukulang tulong alinsunod sa umiiral na mga programa at patakaran.
Tiniyak din ng alkalde ang patuloy na pakikipagtulungan ng lokal na pamahalaan sa MAO upang masuportahan ang mga magsasaka at mapalakas ang sektor ng agrikultura sa bayan.


























