Ipinakita ng 25 estudyante ng Philippine Science High School–MIMAROPA Region Campus (PSHS-MRC) ang kanilang talento sa sining sa pamamagitan ng mural painting contest bilang pakikiisa sa pagdiriwang ng Maritime and Archipelagic Nation Awareness Month (MANA Mo) 2026.
Isinagawa sa loob ng campus ang paligsahan na may temang “Karapatan sa Karagatan, Sama-sama Nating Alagaan,” na naglalayong itaguyod sa kabataan ang kamalayan sa kahalagahan ng pangangalaga sa yamang-dagat at karagatan ng bansa.
Noong October 9, kinilala at pinarangalan ng National Intelligence Coordinating Agency (NICA) MIMAROPA, PSHS-MRC at Philippine Ports Authority (PPA) Terminal Management Office (TMO) Tablas ang mga estudyanteng lumahok at nagpakita ng kanilang mga obra.

Binigyang-pansin ng mga organisador ang ambag ng mga estudyante sa pagsusulong ng kamalayan sa karagatan sa pamamagitan ng kanilang mga likhang-sining.
Ipinahayag din ni Christine Joy Acorda, kinatawan ng PPA, ang suporta ng ahensya sa adbokasiya, habang binigyang-diin ng NICA MIMAROPA at PSHS-MRC ang papel ng edukasyon at kabataan sa pangangalaga sa yamang-dagat at marine environment ng Pilipinas.
Nagpaabot naman ng pagbati ang mga organisador sa lahat ng estudyanteng nakiisa sa paligsahan at nagbahagi ng kanilang talento sa sining.
Ang MANA Mo ay taunang ipinagdiriwang tuwing Setyembre alinsunod sa Presidential Proclamation No. 316 upang pataasin ang pambansang kamalayan sa sektor ng karagatan at seguridad sa mga katubigan ng bansa.


























