Nanawagan ang Office of the Provincial Agriculturist (OPAg) – Romblon sa mga magsasaka at mangingisda sa lalawigan na magsagawa na ng mga hakbang sa paghahanda kasunod ng babala ng DOST-PAGASA hinggil sa posibleng pag-igting ng El Niño na maaaring umabot sa antas na “Very Strong” at magpatuloy hanggang sa unang bahagi ng 2027.
Batay sa mga pagtataya ng PAGASA, ang unti-unting paghina ng Habagat at kakulangan sa pag-ulan ay maaaring magdulot ng tuyong kondisyon at matinding tagtuyot sa ilang bahagi ng bansa, kabilang ang Romblon, sa pagtatapos ng taon.
Ayon sa OPAg-Romblon, kabilang sa mga posibleng maapektuhan ng tuyong panahon ang mga pananim at suplay ng tubig, na maaaring magdulot ng hamon sa sektor ng agrikultura at pangisdaan sa lalawigan.
Dahil dito, pinapayuhan ang mga magsasaka, mangingisda at iba pang sektor na may kaugnayan sa lokal na produksyon na magpatupad na ng mga hakbang pananggalang habang maaga upang mapaghandaan ang posibleng epekto ng El Niño.


























