Kabuuang 5,496 pamilya mula sa 12 barangay ng Alcantara, Romblon ang nakatanggap ng tig-10 kilo ng bigas sa ilalim ng rice assistance program na pinondohan ng ₱5-milyong Local Government Support Fund (LGSF) ng pambansang pamahalaan sa ilalim ng administrasyon ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr.
Isinagawa ng Municipal Government of Alcantara ang pamamahagi bilang bahagi ng mga hakbang upang makatulong sa pangangailangan sa pagkain ng mga pamilya at maibsan ang gastusin ng mga ito sa gitna ng patuloy na pagtaas ng presyo ng mga pangunahing bilihin.
Ayon kay Mayor Riza Pamorada, ang bigas na ipinamahagi ay binili ng lokal na pamahalaan alinsunod sa Sagip Saka Act, na nagbibigay-daan sa mga ahensya ng pamahalaan at local government unit na direktang bumili ng mga produktong agrikultural mula sa mga magsasaka.
Sa pamamagitan nito, nakatulong ang munisipyo sa mga lokal na magsasaka habang nakapaglaan naman ng bigas para sa mga pamilya sa komunidad.
Sinabi ni Pamorada na naging malawak ang saklaw ng programa dahil lahat ng 12 barangay ng Alcantara ay nakinabang sa rice assistance.
“Makakatikim yung bawat pamilya. Before kasi syempre pagdating sa ayuda may criteria kung sino ang makaka-avail. Pero ito kasi lahat na po ito, pangkalahatan,” ani Pamorada.
Nagpasalamat din ang alkalde sa mga sangay ng lokal na pamahalaan at sa mga barangay sa kanilang pagtutulungan upang maisakatuparan ang programa.
“Kami sa LGU nagpapasalamat, from the executive department to legislative, at ang buong 12 barangays na nagkaroon ng ganitong program. Thankful kami sa national government na nagkaroon ng ganitong program,” dagdag niya.
Ang ₱5-milyong LGSF allocation ay bahagi ng patuloy na suporta ng pambansang pamahalaan sa mga LGU para sa mga programang tumutugon sa food security at pangangailangan ng mga pamilyang Pilipino.
Sa pamamagitan ng rice assistance, layunin ng programa na makatulong na maibsan ang epekto ng pagtaas ng presyo ng pagkain sa mga kabahayan.



































Discussion about this post