Tinatayang umaabot sa 200 metric tons ang taunang produksyon ng mais sa Romblon, batay sa mahigit 50 ektarya ng taniman at average yield na humigit-kumulang 4 metric tons bawat ektarya, ayon sa Office of the Provincial Agriculturist (OPAg).
Ayon kay Engr. Wally Boy Falcutila ng OPAg, dumarami na ang mga magsasakang nagtatanim ng yellow corn sa lalawigan, habang nadaragdagan din ang mga bumibili ng kanilang ani. Aniya, indikasyon ito ng lumalawak na merkado para sa mais sa Romblon.
Kamakailan, nagsagawa ang OPAg ng field monitoring sa mga taniman ng yellow corn sa mga bayan ng San Andres at Odiongan upang masuri ang kalagayan ng mga pananim at matukoy ang mga pangangailangan ng mga magsasaka.
Kabilang sa mga binisitang lugar ang mga barangay ng Victoria, Tan-agan, at Matutuna sa San Andres, gayundin ang Pato-o, Progreso Este, at Rizal sa Odiongan.
Nakipagpulong din ang mga kawani ng OPAg sa mga magsasaka upang alamin ang kanilang mga karanasan at mga hamon sa produksyon, habang nagbigay ng mga teknikal na rekomendasyon hinggil sa wastong pangangalaga sa mga pananim.
Sinabi pa ni Falcutila na kabilang sa mga suportang ipinagkakaloob sa mga yellow corn farmers, sa tulong ng Department of Agriculture–MIMAROPA, ang pamamahagi ng libreng dekalidad na binhi at organic fertilizer.
Dagdag pa niya, isinasagawa ang regular na field monitoring upang makalikom ng aktuwal na datos na magsisilbing batayan sa pagpaplano at pagpapatupad ng mga programang magpapalakas sa industriya ng mais sa Romblon.



































Discussion about this post