Nakatanggap ang Independent Commission for Infrastructure (ICI) nitong Martes ng aabot sa 48 kahon ng mga dokumento mula sa Philippine National Police–Criminal Investigation and Detection Group (PNP-CIDG) bilang bahagi ng patuloy na imbestigasyon sa umano’y iregularidad sa mga flood control projects sa buong bansa, kabilang na ang isang kahon mula sa lalawigan ng Romblon.
Ayon sa ICI, ang pagsusumite ng naturang mga dokumento ay bahagi ng pinagsama-samang hakbang ng mga ahensya ng pamahalaan upang matukoy kung may anomalya sa implementasyon ng ilang proyekto.
Batay sa kahong nagmula sa Romblon, lumalabas na ang contractor ay ang Sunwest, habang ang implementing office ay ang Romblon District Engineering Office. Kaugnay ito sa proyektong River Control sa Barangay Dubduban, San Agustin, Romblon.
Bukod sa Romblon, tumanggap din ang ICI ng mga dokumento mula sa Masinloc, Zambales; San Jose, Occidental Mindoro; Noveleta, Cavite; at Rodriguez, Rizal.
Nadagdagan pa ang iniimbestigahan ng komisyon matapos silang makatanggap ng dalawang complaint affidavit mula sa mga pribadong indibidwal tungkol sa kondisyon ng ilang flood control at iba pang public works projects sa Surigao del Norte, 2nd District.
Patuloy ang malawakang imbestigasyon ng ICI sa iba't ibang proyekto sa bansa bilang tugon sa mga reklamong inihain sa ilalim ng programang Sumbong ng Pangulo.


































