Inaresto na ng San Jose Municipal Police Station ang isa sa mga posibleng suspek sa pagpatay sa tatlong miyembro ng pamilya Mendoza sa bayan ng San Jose, Romblon.
Kinilala ng Police Regional Office Mimaropa ang suspek na si Patrick Rufino Cahilig, 35, residente ng Sitio Miason, Brgy. Busay sa parehong bayan.
Ang suspek ay itinuturo ng witness na si Charlie Mendoza Seraspi na huling nakita nito sa crime scene bago madiskubre ang karumaldumal na krimen.
Ayon kay Seraspi, nagising siya nang madaling araw ng January 25 dahil nakarinig ito ng tunog ng kadena at nakita ang suspek palabas ng bahay ng biktima ngunit hindi niya ito pinansin at bumalik sa kanyang pagkakatulog.
Nabigla nalang umano siya nang gisingin siya nang sumikat na ang araw at ibinalita sa kanyang patay na sina Wielyn Maximo Mendoza, 29, at kanyang mga anak na sina TJ at JB.
Sinabi ng San Jose Municipal Police Station na positibong nakilala ni Seraspi ang suspek ngunit natakot umano ito sa kaligtasan nila dahil ang suspek ay live-in partner ng kanyang ina.
Hawak na ng San Jose Municipal Police Station ang suspek at sasampahan ng three counts ng murder sa Provincial Prosecutor’s Office sa Odiongan.
Pinuri naman ni Police Regional Office MIMAROPA Regional Director, Police Brigadier General Sidney Sultan Hernia, ang mabilis na pagresulba ng San Jose Municipal Police Station sa krimen at inutusan na ipagpatuloy ang malalim na imbestigasyon upang matukoy kung may kasama ba ito sa ginawang krimen.


































