Mula sa kinita ng vegetable production project na ipinagkaloob sa kanila ng Special Area for Agricultural Development (SAAD) Program, nakapagbukas ng panibagong livelihood enterprise ang Matis-Anon Farmers Association sa Barangay Agpudlos, San Andres, Romblon.
Ginamit ng samahan ang bahagi ng kanilang kinita sa vegetable production bilang puhunan sa broiler production, na nagbibigay ngayon ng dagdag na pagkakakitaan sa 19 nitong miyembro.
Mula 2025 hanggang July 2026, nakapagtala ang samahan ng kabuuang ₱88,622 na kita mula sa kanilang vegetable production. Bahagi nito ang inilaan upang makapagsimula ng panibagong negosyo sa pagpapalaki ng broiler chickens.
Nagsimula ang broiler production ng samahan noong August 2025 sa unang cycle na may 100 sisiw. Sinundan ito ng panibagong 100 sisiw noong November 2025, kung saan nakapagtala ang dalawang cycle ng pinagsamang ₱10,075 net income.
Sa ikatlong cycle noong July 2026, dinoble ng samahan ang produksyon sa 200 sisiw at nakakuha ng ₱15,650 net income matapos ang 28 araw.
Para sa naturang cycle, nagbigay rin ang SAAD Program ng 17 sako ng feeds na nagkakahalaga ng mahigit ₱39,000 upang suportahan ang produksyon.
Ayon kay Matis-Anon Farmers Association Secretary Mayolita Selosa, malaking tulong ang SAAD Program sa samahan dahil bukod sa vegetable production, nabigyan sila nito ng pagkakataong magkaroon ng alternatibong pagkakakitaan at mapalakas ang kanilang organisasyon.
Plano ng grupo na salit-salitang pamahalaan ng mga miyembro ang broiler production. Sa bawat cycle, isang pares ng miyembro ang magsisilbing caretaker at helper, habang ibang pares naman ang hahawak sa mga susunod na cycle.
Sa hatian ng kita, 60 porsyento ng net income ang mapupunta sa caretaker at helper, 30 porsyento sa samahan, at 10 porsyento naman para sa upa sa poultry housing.
Patuloy rin ang vegetable production ng samahan, kung saan nakabatay ang bahagi ng bawat miyembro sa kita sa bilang ng oras na kanilang ipinagtrabaho sa proyekto.
Isa sa nakatanggap ng malaking bahagi ng kita ngayong taon si Treasurer Teresa B. Rocero, na nakapag-uwi ng ₱8,699.50.
Ayon kay Rocero, malaking tulong ang kaniyang kinita upang matustusan ang pang-araw-araw na pangangailangan ng kanilang pamilya, kabilang ang pagbili ng abono para sa kanilang palayan.
Samantala, umabot na sa ₱82,717 ang ipon ng samahan sa bangko noong June 2026. Naglaan din sila ng ₱24,000 mula sa kanilang kinita upang maiugnay ang kanilang communal area sa isang pribadong water system.
Sa kasalukuyan, naghahanda na ang Matis-Anon Farmers Association para sa kanilang ikaapat na broiler production cycle, habang patuloy namang inaani ang kanilang mga pananim na okra, pole sitao, pipino at talong.
Mula sa isang vegetable production project, unti-unting napalawak ng Matis-Anon Farmers Association ang kanilang kabuhayan sa pamamagitan ng muling paggamit ng kinita bilang puhunan sa panibagong negosyo.
Sa ganitong paraan, nagiging puhunan ng samahan ang kita mula sa isang proyekto upang makapagsimula ng panibagong pagkakakitaan at higit pang mapalakas ang kabuhayan ng kanilang mga miyembro.


































Discussion about this post