Hinikayat ni Congressman Eleandro Jesus “Budoy” Madrona ang mga kawani at opisyal ng Lokal na Pamahalaan ng San Agustin na isabuhay ang malasakit sa pamilya bilang gabay sa paghahatid ng patas at makabuluhang serbisyo publiko.
Nakiisa si Madrona sa tatlong-araw na Gender and Development (GAD) Sensitivity Training para sa mga kawani ng LGU San Agustin, na isinabay sa pagdiriwang ng Family Day at paggunita sa 34th National Family Week.
Sa kanyang mensahe, sinabi ni Madrona na ang Family Day ay hindi lamang pagkakataon upang magsama-sama at magdiwang kasama ang pamilya, kundi panahon din upang pagnilayan kung paano higit na mapangangalagaan ang kalagayan at kapakanan ng mga mahal sa buhay.
Iniugnay niya ang pagpapahalaga sa pamilya sa mga prinsipyo ng GAD, partikular ang paggalang sa dignidad ng bawat isa, pagbibigay ng pantay na pagkakataon at pagtiyak na ang bawat mamamayan, anuman ang kalagayan, ay nabibigyan ng patas at makabuluhang serbisyo.
Binigyang-diin din ni Madrona ang mahalagang papel ng mga lokal na opisyal at kawani sa pagtukoy sa pangangailangan ng kanilang mga kababayan, paghahanap ng mga solusyon at pagsusulong ng mga programang tumutugon sa iba’t ibang pangangailangan ng komunidad.
Mula sa mga pangunahing pangangailangan gaya ng tubig, edukasyon, kalsada at iba pang imprastraktura, hanggang sa mga serbisyo at oportunidad para sa mga mamamayan, hinikayat niya ang mga lingkod-bayan na patuloy na makinig sa kanilang mga nasasakupan at makipag-ugnayan sa mga kinauukulang tanggapan upang maisulong ang pangangailangan ng San Agustin.
“Kung paano ninyo minamahal, pinangangalagaan, at ipinaglalaban ang inyong pamilya, ganoon din ninyo dapat mahalin, pangalagaan, at ipaglaban ang San Agustin,” ani Madrona.
Ayon sa kongresista, ang bayan ay binubuo ng mga pamilyang umaasa sa isang pamahalaang nakikinig, tumutugon at nagbibigay ng serbisyong patas para sa lahat.
Nagpasalamat naman si Madrona sa Lokal na Pamahalaan ng San Agustin sa pagkakataong makibahagi sa naturang aktibidad na naglalayong palakasin ang kamalayan sa GAD at pagpapahalaga sa pamilya at serbisyo publiko.


























Discussion about this post