Ipinamahagi ng Department of Agriculture–Special Area for Agricultural Development (DA-SAAD) MIMAROPA ang 2,800 ready-to-lay (RTL) chickens at iba pang poultry production inputs na nagkakahalaga ng mahigit ₱4 milyon sa apat na farmer associations sa Romblon.
Layunin ng intervention na mapalakas ang egg production enterprises ng mga benepisyaryo, mapataas ang produksyon ng itlog, mabawasan ang production costs at magkaroon ng karagdagang pagkakakitaan ang mga asosasyon.
Halos 700 RTL chickens ang natanggap ng bawat association sa magkakahiwalay na turnover activities na isinagawa noong September 2, 3 at 9, 2026.
Kabilang sa mga benepisyaryo ang Camili Vegetable Growers Association sa Alcantara, Tubigon Planters Association sa Ferrol, Linao Vegetable and Crops Growers Association sa Calatrava at Samahang Manggagawa ng Sampong sa Concepcion.
Nagpasalamat ang mga benepisyaryo sa karagdagang RTL chickens na inaasahang makatutulong sa pagpapalawak ng kanilang livelihood projects.
Ayon kay Samahang Manggagawa ng Sampong President Carl Fabregas, makatutulong ang karagdagang mga manok upang madagdagan ang kanilang pinagkukunan ng kita at makapag-ipon para sa mga susunod na livelihood activities.
Binigyang-diin naman ni DA-MIMAROPA Regional Executive Director at SAAD Regional Focal Person Atty. Christopher R. Bañas ang mahalagang papel ng mga lokal na pamahalaan sa pagpapatuloy at pagpapanatili ng mga livelihood project na ipinagkakaloob sa mga benepisyaryo.
Ayon kay Bañas, mahalaga ang pagtanggap at kooperasyon ng mga benepisyaryo at LGU upang maging matagumpay at sustainable ang mga proyekto.
Inihayag din niya na kalaunan ay ituturn-over ng DA-SAAD ang mga farmer associations sa kani-kanilang LGU upang patuloy silang mabigyan ng gabay at suporta.
Ang 2,800 RTL chickens na ipinamahagi sa Romblon ay unang batch ng kabuuang 7,600 RTL chickens na nakatakdang ipamahagi ng DA-SAAD MIMAROPA sa 11 organisasyon sa Romblon, Palawan at Occidental Mindoro ngayong taon.



































Discussion about this post