Hinikayat ng Malacañang ang publiko na ireport ang anumang pang-aabuso o iregularidad sa pagpili ng mga benepisyaryo ng Presidential Scholarship Program, flagship educational assistance initiative ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr.
Ayon kay Presidential Communications Office (PCO) Undersecretary at Palace Press Officer Claire Castro, maaaring idulog ang mga reklamo sa national office ng Liga ng mga Barangay, Department of the Interior and Local Government (DILG), PCO o Office of the President (OP).
Ginawa ni Castro ang pahayag matapos siyang tanungin tungkol sa isang social media post hinggil sa anak ng isang barangay official na sinasabing nakatanggap ng scholarship sa ilalim ng programa.
Gayunman, sinabi ni Castro na hindi awtomatikong diskwalipikado ang mga kamag-anak ng barangay officials, basta natutugunan nila ang mga itinakdang kwalipikasyon ng programa.
Sa ilalim ng scholarship program, dapat kabilang sa mga benepisyaryo ang graduating college students na nanganganib na hindi makapagtapos dahil sa kakulangan sa pinansiyal na suporta.
Ayon kay Castro, may mekanismo ang pamahalaan para sa screening at pagpili ng mga kwalipikadong benepisyaryo. Ang mga scholar ay pinipili ng mga barangay officials kasama ang Sangguniang Barangay education committee.
Ipinatutupad naman ng Office of the President ang programa sa koordinasyon ng Liga ng mga Barangay national office at DILG.
Binigyang-diin ni Castro na nais ni Pangulong Marcos na makarating ang scholarship assistance sa mga kwalipikadong estudyante sa iba’t ibang bahagi ng bansa, kabilang ang mga nasa malalayong komunidad na nais makatapos ng pag-aaral ngunit kapos sa pinansiyal na kakayahan.
Hinimok din ng Palasyo ang publiko na ireport ang anumang kahina-hinalang proseso o iregularidad upang matiyak na napupunta ang tulong sa mga estudyanteng tunay na nangangailangan nito.


































Discussion about this post