Itinaas ng Government Service Insurance System (GSIS) mula ₱30,000 sa ₱50,000 ang funeral benefit para sa mga kwalipikadong miyembro at pensyonado, bilang karagdagang tulong sa mga naiwang pamilya sa oras ng pagpanaw ng kanilang mahal sa buhay.
Ayon sa GSIS, epektibo ang bagong halaga para sa mga miyembrong namatay simula July 13, 2026.
Sinabi ni GSIS President and General Manager Wick Veloso na layunin ng dagdag na benepisyo na mabigyan ng agarang pinansyal na suporta ang mga pamilya habang hinaharap nila ang gastusin sa pagpapalibing.
Tinatayang 21,000 hanggang 25,000 pamilya ang makikinabang sa mas mataas na funeral benefit bawat taon. Naglaan ang GSIS ng hanggang ₱1.25 bilyon taun-taon upang pondohan ang programa.
Saklaw ng benepisyo ang mga kwalipikadong aktibong miyembro, mga hiwalay na sa serbisyo ngunit may karapatan sa separation o retirement benefits, old-age pensioners, at ilang retirado sa ilalim ng Republic Act Nos. 1616 at 8291.
Maaari ring makinabang ang mga retiradong nagretiro sa ilalim ng RA 1616 bago ipatupad ang RA 8291, kung nakapaglingkod sila sa pamahalaan nang hindi bababa sa 20 taon.
Ibibigay ang ₱50,000 funeral benefit sa isang kwalipikadong claimant. Prayoridad ang lehitimong asawa, kasunod ang lehitimong anak na sumagot sa gastusin sa pagpapalibing. Kung wala ang dalawa, maaari ring maghain ng claim ang ibang taong nagbayad ng funeral expenses basta may sapat na patunay.
Kailangang magsumite ng death certificate ng miyembro, valid government-issued ID, at iba pang dokumentong hinihingi ng GSIS. Ang mga claimant na hindi asawa ay kinakailangang magpakita rin ng katibayan na sila ang sumagot sa gastos sa pagpapalibing.
Ayon sa GSIS, bahagi ang pagtaas ng funeral benefit sa patuloy na pagpapalakas ng social protection at mga benepisyo para sa mga kawani ng pamahalaan, pensyonado, at kanilang mga pamilya.



































Discussion about this post