Ganap nang nagamit ng Barangay Local Government Unit (BLGU) ng Binonga-an sa San Agustin, Romblon ang ₱200,000 Socio-Civic Projects Fund (SCPF) na ipinagkaloob ng pamahalaan sa pamamagitan ng administrasyon ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. para sa pagbili ng isang barangay patrol e-bike at pagbibigay ng scholarship assistance sa limang estudyante.
Sa kabuuang pondo, ₱100,000 ang inilaan ng barangay para sa pagbili ng patrol e-bike na gagamitin sa pagpapatrolya, pagtugon sa mga emergency, at pagpapahusay ng paghahatid ng mga serbisyo sa mga residente.
Ayon sa BLGU Binonga-an, malaking tulong ang naturang sasakyan sa pagpapalakas ng kakayahan ng barangay sa pagtugon sa mga pangangailangan ng komunidad.
Samantala, ang natitirang ₱100,000 ay ipinamahagi bilang ₱20,000 scholarship assistance sa bawat isa sa limang mag-aaral sa ilalim ng Bawat Barangay Makikinabang Program (BBMP) Scholarship Program.
Isinagawa ang pamamahagi ng scholarship assistance noong Hulyo 25 sa Barangay Hall ng Binonga-an.
Ayon sa barangay, sumailalim sa masusing pagpili ang mga benepisyaryo batay sa itinakdang pamantayan ng programa upang matiyak na ang mga kuwalipikadong mag-aaral ang makatatanggap ng tulong-pinansyal.
Ang SCPF ay kabilang sa mga programang ipinatutupad ng pamahalaan upang suportahan ang mga proyekto ng mga barangay at matulungan ang mga kabataang maipagpatuloy ang kanilang pag-aaral.



































Discussion about this post