Aabot sa 225 hog farms sa lalawigan ng Romblon ang tatanggap ng kabuuang ₱9.32 milyong indemnification claims mula sa Department of Agriculture-Bureau of Animal Industry (DA-BAI) sa ilalim ng African Swine Fever (ASF) Indemnification Program.
Batay sa tala ng DA MIMAROPA, 1,179 na kwalipikadong baboy mula sa 225 hog farms sa mga bayan ng Calatrava at Romblon ang sakop ng bayad-pinsala para sa mga naapektuhan ng ASF noong 2025.
Sa Calatrava, 157 hog farms mula sa anim na barangay ang tatanggap ng kabuuang ₱6.46 milyon. Kabilang dito ang Pagsangahan (₱1.932 milyon), Linao (₱1.64 milyon), San Roque (₱2.3 milyon), Poblacion (₱80,000), Pangulo (₱264,000), at Talisay (₱244,000).
Samantala, 68 hog farms mula sa 15 barangay sa bayan ng Romblon ang makatatanggap ng kabuuang ₱2.86 milyon. Kabilang sa mga benepisyaryong barangay ang Agnay, Alad, Agbudia, Agtongo, Bagacay, Cajimos, Capaclan, Logbon, Guimpingan, Ilauran, Lamao, Mapula, Sawang, Lonos, at Tambac.
Nitong Hulyo 28, isinagawa ang Indemnification Disbursement Program o Bayad-Pinsala sa mga Hog Raisers sa bayan ng Calatrava sa pakikipagtulungan ng Department of Agriculture–Regional Field Office (DA-RFO) MIMAROPA at ng Provincial Veterinary Office (PROVET) ng Romblon. Dito sinimulan ang pamamahagi ng indemnification claims sa mga kwalipikadong hog raisers na naapektuhan ng ASF.
Ang ASF Indemnification Program ay nagbibigay ng pinansyal na tulong sa mga hog raisers na nawalan ng mga alagang baboy dahil sa ASF upang matulungan silang makabangon at makapagsimulang muli ng kanilang kabuhayan.



































Discussion about this post