Hinikayat ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang mga Pilipino na makiisa sa pagdiriwang ng Earth Hour 2026 at isabuhay ang pagtitipid sa enerhiya bilang tugon sa mga hamon sa kapaligiran at pandaigdigang krisis sa enerhiya.
Sa kanyang video message, sinabi ng Pangulo na ang pagdiriwang ng Earth Hour ay pagkakataon upang pagnilayan ang kahalagahan ng pangangalaga sa kalikasan, pagtitipid sa enerhiya, at pagbawas sa konsumo ng gasolina sa gitna ng kasalukuyang global na sitwasyon.
Binigyang-diin ni Marcos na ang simpleng hakbang tulad ng sabayang pagpatay ng ilaw sa loob ng isang oras ay nagpapakita ng sama-samang pagkilos para sa kapaligiran. Aniya, ang Earth Hour ay paalala na ang paggamit ng enerhiya ay may epekto sa kinabukasan ng bansa at ng planeta.
Hinimok din ng Pangulo ang publiko na isabuhay ang temang “Switch on Habits for Earth” at gawing bahagi ng pang-araw-araw na gawain ang responsableng paggamit ng enerhiya. Ayon sa kanya, mahalaga ang kooperasyon ng mga komunidad upang maisulong ang sustainable at maingat na paggamit ng kuryente.
Ang Earth Hour ay isang pandaigdigang inisyatiba kung saan sabayang pinapatay ang ilaw sa loob ng isang oras bilang simbolikong pagpapakita ng pangako sa pangangalaga ng kalikasan at pagsusulong ng responsableng paggamit ng enerhiya.


































