Ipinag-utos ng Department of Tourism (DOT) ang pagtanggal ng anumang tourism promotional materials na may larawan o imahe ni Tourism Secretary Christina Garcia Frasco, upang mapanatiling nakatuon ang mga kampanya ng pamahalaan sa mga destinasyon at produktong panturismo, at hindi sa mga personalidad.
Sa isang panayam sa Kapihan sa Manila Bay, sinabi ni Frasco na direktiba na niya sa lahat ng regional offices ng DOT ang agarang pagbaba ng mga materyales na may kanyang larawan at ang pagtigil sa paggawa ng mga bagong promotional content na nagtatampok sa kanya. Hinikayat din ng kalihim ang mga lokal na pamahalaan na huwag gamitin ang kanyang imahe sa mga tourism-related collaterals.
Nilinaw ni Frasco na ang naturang direktiba ay inilabas kahit wala umano siyang ibinigay na pahintulot sa paggamit ng kanyang larawan sa mga nasabing materyales. Ayon sa kanya, wala ring naging kautusan mula sa kanyang tanggapan na maglagay ng kanyang imahe sa mga destinasyong panturismo, kaya’t walang umiiral na utos na kailangang bawiin.
Ang hakbang ay kasunod ng mga katanungang lumitaw sa pagdinig ng Senate Committee on Tourism, kung saan tinalakay ang pagiging prominente ng ilang opisyal sa mga tourism promotional materials. Ayon kay Frasco, layunin ng aksyon ng DOT na maiwasan ang anumang distraksiyon at matiyak na ang pondo ng pamahalaan ay nakatuon sa mga prayoridad ng pambansang turismo.
Itinanggi rin ng kalihim ang alegasyon na ang mga materyales ay anyo ng self-promotion. Aniya, ang kanyang madalas na paglabas sa publiko ay bahagi ng kanyang tungkulin bilang pinuno ng DOT at ng lawak ng trabahong kanyang ginagampanan, at hindi dahil sa hangaring isulong ang sariling pangalan. Muli rin niyang iginiit na wala siyang planong tumakbo sa anumang pambansang posisyon sa pamahalaan.
Ipinaliwanag pa ni Frasco na may malinaw na pagkakaiba ang corporate at marketing platforms ng DOT. Ang corporate platforms ay para sa pagbibigay-ulat sa mga programa at aktibidad ng ahensya alinsunod sa transparency requirements, habang ang marketing platforms naman ay eksklusibong nakatuon sa promosyon ng mga destinasyon at produktong panturismo ng Pilipinas.


































