Nagkaroon ng international premiere sa Berlin International Film Festival ang pelikulang Rumaragasa (Raging) ng Romblomanong TV at movie director na si Ryan Machado kamakailan sa Berlin, Germany.
Bida sa pelikula ang aktor na si Elijah Canlas, na gumaganap sa pangunahing karakter sa kuwentong nakasentro sa isang kabataang lalaki sa Sibuyan.
Kasama ni Direk Machado sa premiere ang mga producer ng pelikula na sina Alemberg Ang, Sarah Pagcaliwagan Brakensiek, Joy Jamora, at TJhay Ordoñez.
Dumalo rin sa event si Erwin Fajardo, ang musical scorer ng pelikula, at isa sa mga cast member na si Rodne Galicha.
Sa larawang ibinahagi ni Machado, ipinagmalaki niya ang barong na kanyang suot na likha ng designer na si Franco Miguel Salvatorre.
Ang Raging ay pelikulang kinunan sa Sibuyan, Romblon, at tumatalakay sa sensitibong usapin ng pang-aabuso at paghahanap ng hustisya. Nakakuha rin ito ng parangal sa Cinemalaya Philippine Independent Film Festival 2025.

































