Nanawagan si House Deputy Minority Leader at Mamamayang Liberal (ML) Rep. Leila De Lima para sa agarang pagpasa ng isang panukalang batas na magpaparusa sa mga extrajudicial killings (EJK). Ito ay kasabay ng paggunita sa ikawalong anibersaryo ng pagkamatay ni Kian delos Santos, isa sa mga biktima ng umano’y EJK.
Ayon kay De Lima, ang pagpaslang kay Kian ay nagsisilbing paalala sa publiko na ang karahasan, kabiguan, at kasamaan ng kampanya kontra iligal na droga sa ilalim ng administrasyong Duterte ay sistematiko. Aniya, umaasa siyang mapanagot ang mga nasa likod nito kasama ang lahat ng kasabwat.
Iginit ni De Lima ang kahalagahan ng House Bill No. 1432, na kanyang inihain noong nakaraang buwan.
Layunin ng panukalang batas na ito na malinaw na tukuyin at parusahan ang EJK at iba pang kaugnay na gawain. Kapag naisabatas, magtatatag ito ng isang Inter-Agency Council Against Extrajudicial Killings na mangunguna sa imbestigasyon at pananagutan, hindi lamang sa mga sangkot mula sa estado kundi pati na rin sa mga pribadong indibidwal.
Iminungkahi ng panukala ang parusang habambuhay na pagkakabilanggo nang walang parole para sa mga mapapatunayang lumabag sa batas.
Muling nanawagan si De Lima para sa pagtatatag ng EJK Victims’ Compensation Fund upang mapagaan ang suliranin ng mga naiwang pamilya ng mga naunang pinaslang.




































