Nasawi ang isang ina matapos magulungan ng kasalubong na van sa Barangay Marigondon Norte, San Andres, Romblon noong umaga ng Linggo, Hulyo 6.
Ayon sa ulat ng San Andres Municipal Police Station na ibinahagi ng Romblon Police Provincial Office, ang biktima ay kinilalang si Annabelle Mariano.
Sakay siya ng motorsiklo kasama ang kanyang walong buwang gulang na anak. Papunta umano ang mag-ina sa simbahan nang maganap ang insidente.
Sa pakurbang bahagi ng kalsada, nawalan umano ng kontrol ang driver ng motorsiklo kaya nahulog ang mag-ina sa kalsada. Eksaktong paparating ang isang kasalubong na L300 van at hindi umano agad napansin ng driver ang natumbang motorsiklo at mga sakay nito, dahilan para magulungan ang biktima.
Isinugod si Mariano sa Romblon Provincial Hospital ngunit idineklara siyang dead on arrival. Patuloy namang inoobserbahan at ginagamot ang kanyang anak.
Kusang sumuko sa San Andres Municipal Police Station ang driver ng van at nahaharap ito sa kasong Reckless Imprudence Resulting in Homicide.


































