Natapos na ang 20-araw na pilot implementation ng “Tara, Basa!” Tutoring Program ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) sa mga bayan ng Ferrol, Odiongan, at San Andres, Romblon, kung saan 614 na batang estudyante ang lumahok sa mga sesyon sa pagbasa.
Isinagawa ang programa noong nakaraang buwan bilang bahagi ng layuning matugunan ang learning gap sa pagbasa ng mga mag-aaral.
Ang “Tara, Basa!” ay isang community-based tutoring at literacy program na nagbibigay ng oportunidad sa mga college student at magulang na maging bahagi ng programa at makatanggap ng kabayaran para sa kanilang partisipasyon.
Ayon sa DSWD MIMAROPA, nakapagbigay ng suporta ang mga college student tutors at Youth Development Officers, na naging katuwang sa pagsasagawa ng mga aktibidad.
Noong Hunyo 13, isinagawa ang simultaneous culminating activity upang kilalanin ang mga batang lumahok sa programa, gayundin ang kanilang mga magulang na nakibahagi sa Nanay-Tatay sessions, na bahagi ng mga aktibidad ng programa.
Sa ilalim ng programa, tumatanggap ng ₱430 kada araw ang mga college student tutors, habang ₱230 kada araw naman ang natatanggap ng mga magulang na kalahok sa mga sesyon bilang bahagi ng learning support.



































