Naaresto ng mga operatiba ng Philippine National Police (PNP) at Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) ang isang lalaking dati nang nakulong kaugnay sa ilegal na droga sa isang buy-bust operation nitong Huwebes ng hapon, Mayo 22, sa Barangay Tabing-Dagat.
Kinilala ng pulisya ang suspek bilang si Alias June, 59 taong gulang, na umano’y muling sangkot sa bentahan ng ipinagbabawal na gamot.
Ayon sa ulat ng Romblon Police Provincial Office, isang pulis ang nagpanggap na poseur-buyer at nakabili ng isang sachet ng hinihinalang shabu mula sa suspek kapalit ng ₱500. Matapos ang transaksyon, agad na inaresto ang suspek.
Sa isinagawang body search, nakuha pa umano mula kay Alias June ang karagdagang dalawang sachet ng hinihinalang shabu. Tinatayang aabot sa ₱3,000 ang kabuuang halaga ng ilegal na droga na nasabat.
Kasalukuyang nakakulong ang suspek at nahaharap sa mga kasong paglabag sa Sections 5 at 11 ng Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.



































