Isang aksidente ang naganap kagabi sa Sitio High Lander, Barangay Capaclan, Romblon, Romblon, nang isang truck ang mawalan ng preno at sumalpok sa isang marble warehouse, na nagresulta sa isang sugatan.
Ayon sa ulat ng Romblon Police Provincial Office, ang pahinanteng si Ruel Manliguez ang nagtamo ng sugat sa insidente. Batay sa imbestigasyon, nagmula ang truck sa Barangay Li-o nang mawalan ng kontrol ang driver nito, si Christopher Cagang, dahilan upang masalpok nito ang warehouse.
Bago pa ang malubhang aksidente, nawalan na ng preno ang truck at nagawang masalpak sa mga kawayan upang pansamantalang mabawasan ang bilis. Sinubukan ng driver at pahinante na ayusin ang preno, subalit muli itong pumalya at nagresulta sa pagbangga sa warehouse.
Bukod sa sugatang pahinante, nasira rin ang isang tricycle at motorsiklo na nakaparada sa loob ng warehouse. Samantala, ayon sa pulisya, tumakas ang driver mula sa lugar ng aksidente. Patuloy naman ang imbestigasyon sa insidente.