Isang kahanga-hangang pagdiriwang ang naganap sa bayan ng Magdiwang, Romblon, nitong Martes, Oktubre 29, matapos ipagkaloob sa 100-anyos na si Lola Socorro Villanueva Riano ang insentibong cash na nagkakahalaga ng P100,000 mula sa pamahalaan.
Si Lola Socorro, residente ng Barangay Tampayan, ay tumanggap ng P100,000 at sertipiko mula sa mga kinatawan ng Department of Social Welfare and Development.
“Ang pagpupugay sa ating mga centenarian ay hindi lamang tungkol sa pagdiriwang ng kanilang mahabang buhay, ito ay tungkol sa pagkilala sa kanilang karunungan, katatagan, at di-mababayarang kontribusyon sa ating komunidad. Sila ay mga buhay na patunay sa lakas at espiritu ng ating mga tao,” pahayag ng alkalde ng bayan na si Arthur Rey Tansiongco.
Ang nasabing insentibo ay bahagi ng paggunita sa ika-100 taong kaarawan ni Lola Socorro at ipinagkaloob alinsunod sa Centenarian Act of 2016, na nagbibigay-pugay sa mga Pilipinong centenarian.