Sugatan ang isang lalaki matapos itong mataga ng isa sa kanyang inawat sa away nitong madaling araw ng May 9 sa bayan ng San Andres, Romblon.
Ang biktima ay kinilalang si John Mark Glori Quarteros, 28, isang mekaniko; habang ang suspek naman ay kinilalang si Marivin Abrera, 31.
Ayon sa report ng San Andres Municipal Police Station, ang biktima ay nakikipag-inuman sa kanyang kasamang si Kurt Salazar sa baywalk ng Sitio Baybay sa Barangay Tanagan nang dumating ang suspek na galing sa isang birthday party.
Nagkaroon ng pagtatalo si Salazar at ang suspek na nauwi sa suntukan. Sinubukang awatin ni Quarteros ang dalawa ngunit kwento nito ay sa halip na magpaawat ang suspek ay sinuntok umano siya. Naawat ang gulo ng isang kagawad ng Barangay at pinauwi ang suspek habang si Quarteros ay nanatili naman a baywalk.
Batay sa police report, makalipas ang mahigit 30 minuto ay bumalik di umano ang suspek sa baywalk at dito na umano tinaga ang biktima sa likod gamit ang isang bolo.
Nagtamo ang biktima ng sugat sa kanyang likod dahilan para isugod siya sa San Andres Municipal Hospital kung saan siya ginagamot.
Lumalabas sa imbestigasyon ng pulisya na may nakaraang alitan na umano ang biktima at ang suspek na posibleng dahilan kung bakit ito nadamay sa suntukan.
Nadakip naman ng mga tauhan ng San Andres Municipal Police Station ang suspek. Nakakulong na ngayon ito at mahaharap sa kasong frustrated murder.