Isang angkas sa motorsiklo ang nasawi matapos itong magulungan ng delivery truck hapon ng January 6 sa Barangay Libertad sa Odiongan, Romblon.
Kinilala ang nasawi na si Leomar Enero, 35, residente ng Barangay Tan-agan, San Andres, Romblon.
Sa imbestigasyon ng Odiongan Municipal Police Station, patungong Odiongan ang motorsiklong minamaneho ni Ryan Guro, 34, habang nasa likod naman nito ang truck na minamaneho ni Johnny Real, 50.
Nag-menor umano ang motorsiklo dahil sa isa pang sasakyang papasok sa kanilang linya ngunit nasalpuk ito sa likod nang truck na ayon sa pulisya ay over speeding.
Dahil dito, tumilapon ang mga sakay ng motorsiklo at nagulunga ang angkas na si Enero. Sinubukan pang isugod sa ospital si Enero ngunit wala na itong buhay nang dumating.
Hawak na ngayon ng mga tauhan ng pulisya ang driver ng truck na si Real at mahaharap sa kasong rickless improdunce resulting to homicide and damage to property.
Sa isang Facebook post, nagpaalala si Odiongan Mayor Trina Firmalo-Fabic na ugaliin ang pagsusuot ng helmet para sa personal na kaligtasan. Siguraduhin din umanong naka strap ito sa ulo para siguradong hindi mahuhulong kung maaksidente.
“At sa mga nagmamaneho, huwag po masyadong mabilis ang patakbo, lalo na sa mga kanto, kurbada, crossing. Mag ingat po tayong lahat,” dagdag na paalala ng alkalde.