Nasawi ang isang lalaking hinihinalang magnanakaw matapos itong mabaril nang may-ari ng property na kanilang pinuntahan sa Agpudlos, San Andres, Romblon.
Batay sa inisyal na imbestigasyon ng pulisya, nagisiging ang may-ari ng babuyan na si Mark Anthony Rabosa, 43, dating security guard, dahil sa ingay ng kanyang mga biik at ng mga aso. Paglabas niya, nakita niya di umano si Ace John Gacu at ang kanyang kapatid na tumatakbo palayo sa kanyang pigpen.
Nang ma-korner ni Rabosa ang dalawa, kinausap niya umano ang mga ito at nagkaroon ng pagtatalo hanggang sa tinaga di umano ng nasawi si Rabosa dahilan para magkasugat siya sa tenga. Dahil sa takot ni Rabosa, bumunot ito ng baril at pinaputok sa direksyon nang magkapatid.
Natumba si John Ace habang ang kanyang kapatid naman ay nakatakbo sa hindi alam na direksyon.
Sinubukang isugod sa ospital ang tinamaan ng bala ngunit idineklara ring dead on arrival.
Ang suspek naman sa pamamaril ay kusang sumuko sa pulisya dala ang ginamit na baril, magazine, at mga bala ng caliber .45 na pistol.
Nakakulong na ngayon ito at sasampahan ng kasong homicide sa Provincial Prosecutor’s Office.