Bumaliktad sa kahabaan ng Malilico-Balatucan Road sa Barangay Balatucan sa Looc, Romblon ang isang truck na may kargang mga kalabaw nitong hapon ng May 16.
Hindi pa tukoy kung ano ang dahilan kung bakit bumaliktad ang nasabing sasakyan.
Nang matanggap ang ulat, agad na nagsagawa ng rescue operations ang mga tauhan ng Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office ng Looc kasama ang kanilang local fire station.
Ayon kay Neil Foplan ng Looc MDRRMO, walang malubhang nasugatan sa aksidente maliban sa isang kalabaw na nagtamo ng sugat.
Nagpasalamat rin ito sa mga residente ng Barangay na tumulong para maibaliktad ang truck.
Patuloy ang imbestigasyon ng Looc Municipal Police Station sa pangyayari.