Para makatulong sa mga magsasaka ng bayan ng Alcantara, nagbukas kamakailan ang lokal na pamahalaan ng Mini Agro Industrial Fair kung saan makakabili ang publiko ng mga murang agri-products.
Pinangunahan ni Mayor Riza Galicia-Pamorada, Vice Mayor Adrio Galin, Jr., Municipal Agriculturist Mario Galisanao at mga kasama sa Municipal Agriculture Office, ang pagbubukas sa nasabing Agro Industrial Fair na nilahukan ng iba't ibang barangay ng Alcantara.
Dito mabibili ang mga murang gulay kagaya ng sitaw, kalabasa, sibuyas, kamatis, at iba pa.
Bukas rin ang fair para sa mga Micro-, Small and Medium-sized Enterprises (MSMEs) na gustong magbenta ng kanilang mga lokal na produkto.
Ayon sa Alcantara Public Information Office, layunin ng gawain na matulungan ang mga lokal na mga magsasaka at mamumuhunan na isulong ang sariling produkto sa mga mamimili, lalo na sa mga bisita dahil ang fair ay kasabay ng 62nd Founding Anniversary ng bayan.
Dumalo sa fair si Liza Gaca, kinatawan ng Provincial Agriculture Office, bilang panauhing tagapagsalita.


































