Dahil nariyan parin ang banta ng coronavirus disease 2019 o Covid-19, patuloy ang isinasagawang pagbabakuna sa mga bata na wala pang primary dose at booster dose ng Covid-19 vaccine.
Sa isinagawang Bakunahang Bayan sa lalawigan kamakailan, binakunahan ang mga batang edad 5-11 na wala pang primary series ng bakuna habang ang mga wala pang booster dose na batang edad 12-17 ay binigyan rin ng kanilang unang booster shot.
Matiyagang pinuntahan ng mga tauhan ng Rural Health Unit at mga Barangay Health Workers ang mga bahay ng mga bata upang bigyan ng bakuna. May ilang bayan rin sa lalawigan ang naglagay ng vaccination site sa mga covered court ng paaralan.
Para naman sa mga hindi nakapunta sa mga vaccination site, maari parin naman umanong tumungo sa mga Rural Health Unit upang magpaturok ng primary dose at booster dose kontra Covid-19.