Umakyat na sa 234 ang bilang ng mga tinamaan ng dengue sa probinsya ng Romblon ngayong taon base sa pinakahuling ulat ngayong July 15 ng Provincial Epidemiology and Surveillance Unit o PESU.
Apat sa bilang ng mga pasyenteng ito ay nasawi dahil sa sakit.
Sa kanilang talaan, may naiulat na higit sa dalawang kaso ng dengue sa nakalipas na tatlong linggo sa mga munisipyo ng Alcantara, Looc, Odiongan, San Andres, San Agustin, San Jose, Sta. Maria, at Sta. Fe.
Bagama’t 234 na ang naitatalang kaso, mas mababa ito sa 600 na naitalang kaso ng dengue sa buong 2021.
Patuloy ang paalala ng Provincial Health Office na gawin ang 4S Kontra Dengue: Suyurin at sirain ang pinamumugaran ng mga lamok, Sumangguni agad sa pagamutan kapag may sintomas ng Dengue, Sarili ay protektahan laban sa lamok, at Sumuporta sa “fogging/spraying” kapag may banta ng outbreak.