Nauwi sa pananaksak ang masaya sanang inuman ng magkakaibagan sa Barangay Tanagan, San Andres, Romblon nitong gabi ng July 29.
Ayon sa ulat ng San Andres Municipal Police Station, sugatan sa nangyaring krimen ang biktimang si Christopher Gacute, 26, matapos saksakin ng suspek na si Giovanni Ignacio Jr.
Nagiinuman umano ang dalawa kasama ang iba pa sa bahay ni Gacute nang magkaroon ng mainit na pagtatalo ang dalawa na nauwi sa suntukan.
Napigil naman umano sana ang dalawa ngunit nang umuwi si Ignacio sa kanilang lugar, tinambangan ito ni Gacute at sinuntok sa mukha.
Bumunot naman ng kutsilyo si Ignacio at nasaksak sa likuran si Gacute.
Nakahingi naman ng tulong sa mga tambay si Gacute na agad namang dinala sa San Andres District Hospital.
Ang suspek naman ay dinala sa San Andres Municipal Police Station ng mga barangay official.
Ayon sa Barangay official, ang dalawa ay magbayaw.