Inaresto ng mga tauhan ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) ang dalawang suspek na nakasuhan sa pagkamatay ni dating Sangguniang Panlalawigan member Robert Maulion.
Ang dalawang inaresto ay kinilala ng Romblon Police Provincial Office na sina Prince Cedrick Mendez, 25, at si Shannen Amber Lim, 28.
Ayon sa police report mula sa Romblon Police Provincial Office, ang dalawa ay inaresto sa bisa ng warrant of arrest na inilabas ng Regional Trial Court Branch 82 sa kasong homicide.
Mula sa Romblon, Romblon ay ibyinahe ang dalawa patungo sa opisina ng CIDG sa Odiongan kung saan sila dumaan sa booking procedure.
May piyansa ang kaso na aabot sa P120,000 kada isa para sa kanilang pansamantalang kalayaan.
Maalalang si Maulion ay natagpuang patay at tadtad ng saksak sa kanyang tinitirhang building sa Barangay Tabin-Dagat, bayan ng Odiongan, Romblon noong ika-27 ng Hulyo noong 2020.