Kasabay ng pagluwag ng probinsya ng Romblon sa quarantine restrictions para sa mga fully-vaccinated individuals ay pinaghahandaan na rin ang muling pagbubukas ng mga tourist attractions sa lalawigan.
Isa na sa mga naghahanda ay ang sikat na Carabao Island, ang katabing isla ng Boracay.
Ayon kay San Jose Mayor Ronnie Samson, masaya siya at muli ng pinayagang makapag bukas ang turismo sa buong lalawigan kasama na ang kanilang isla.
“Matagal ko na itong hinihiling, at sa wakas ay na aprubahan na siya. Malaking tulong ito para sa amin sa isla. Ipatutupad natin ito dito, kasi EO ito ng gobernador,” pahayag ni Mayor Samson ng makausap ng Romblon News Network.
Sinabi rin nitong bago nila buksan ang kanilang isla sa mga fully-vaccinated individuals ay kanila munang paghahandaan ito at sisiguraduhing bakunado ang lahat ng nagtatrabaho sa tourism sector.
“Magpapatawag ako agad ng meeting bukas, ipapatawag ko ‘yung mga barangay officials at mga kasama sa tourism sector, para mapaghandaan ito,” pahayag ng alkalde.
“Siguro after namin mag meeting, makakapag-bigay na kami ng petsa kung kelan sila pwedeng pumasok sa amin,” dagdag pa nito.
Ayon sa inaprubahang guidelines ng Provincial IATF, papayagang makapagbukas ang tourism sector basta masiguro lamang na bakunado ang lahat ng nagtatrabaho rito.