Nadagdagan ngayong Martes ang bilang ng mga Romblomanon na nasawi dahil sa coronavirus disease 2019 o Covid-19, ayon sa ulat na nilabas ng Romblon Rural Health Unit.
Batay sa kanilang advisory, nagpositibo sa Covid-19 matapos ang isinagawang Real-Time Reverse Transcription Polymerase Chain Reaction (RT-PCR) test ang 76 anyos na Lola na isinugod sa Romblon District Hospital (RDH) noong January 5 ngunit idineklara patay na ng dumating ng ospital.
Maliban sa kanya, nagpositibo rin sa RT-PCR test ang isang 23 anyos na lalaki na empleyado ng RDH. Siya ay close contact ni Patient No. 103.
Sa ngayon, naka-quarantine na ang pasyente habang patuloy ang isinasagawang contact tracing para sa mga nakasalamuha ng dalawang bagong kaso ng bayan.
Dahil sa panibagong mga kaso, umakyat na sa 7 ang aktibong kaso ng Covid-19 sa bayan.