Nadagdagan pa ng 3 ang kabuoang bilang ng mga umuwi sa Romblon na locally stranded individuals o LSI na nagpopositibo sa coronavirus disease 2019 o Covid-19.
Sa ulat ng Romblon Rural Health Unit nitong Biyernes, August 7, sinabi nila na ang tatlo ay pawang umuwi noong July 31 sa Romblon sakay ng M/V Maria Xenia ng Montenegro Shipping Lines.
Nagmula sila sa mga Barangay ng Sablayan, Logbon, at Li-o.
Ika-3 ng Agosto ng kunan sila ng swab test matapos magpositibo sa rapid testing, at lumabas lamang ang resulta nitong Biyernes.
Samantala, ang 11 na kasama nilang nagpositibo sa rapid testing ay nag negatibo naman sa virus.
Nagsasagawa na ng contact tracing ang lokal na pamahalaan para matukoy ang mga nakasalamuha ng tatlo.
Patuloy na nagpapaalala ang Romblon RHU sa publiko na sumunod sa tagubilin gn pamahalaan at patuloy na manalangin sa kaligtasan at mabuting kalusugan ng lahat.