Isang mangingisda ang pinaghihinalaang inatake ng sakit na epilepsy at nalunod habang nangingisda sa isang fish pond sa bayan ng Magdiwang, Romblon nitong Linggo ng tanghali.
Kinilala ang mangingisda na si Elmer Recto Mordido, 40, barangay tanod ng Barangay Ja-asan.
Ayon sa pamilya ni Mordido, bandang alas-10 ng umaga ng magpaalam ito na kukuha ng tilapia sa isang pond ngunit bandang 12:30 ng tanghali ng madaanan ng isang babae na nakalutang na ang katawan ni Mardido sa fish pond.
Agad humingi ng tulong ang babae para maiahon agad ang biktima.
Sinubukan pa na i-revive si Mordido ngunit bigo sila. Dinala pa ito sa Magdiwang Rural Health Clinic ngunit idineklarang dead on arrival ng attending physician sa clinic.
Wala naman umanong nakikitang foul play ang mga doctor at pulisya sa katawan ng biktima kaya naniniwala ang mga kamag-anak nito na aksidente ang nangyari kay Mordido.