Hindi pa umano opisyal na idinideklara ang dengue outbreak sa bayan ng Odiongan ayon kay Odiongan Mayor Trina Firmalo-Fabic nitong Biyernes ng hapon.
Sinabi ni Fabic na “wala pong opisyal na deklarasyon ng dengue outbreak sa bayan ng Odiongan o sa kahit anong bayan ng probinsya ng Romblon, base sa Rural Health Unit, sa Provincial Health Office, at Department of Health Romblon’.
Mula Enero hanggang Agosto, umabot lamang umano sa 60 ang kaso ng mga pasyenteng tinamaan ng dengue virus sa bayan ng Odiongan at isa rito ay namatay nitong Huwebes.
Samantala, binawi naman ni Dra. Ederlina Aguirre, Romblon Provincial Health Officer, ang una niyang naiulat sa Romblon News Network na may outbreak na ng dengue sa nasabing bayan.
“Dapat ang ginamit kung work ay high incidence of dengu [hindi outbreak]. Hilo na rin kasi nasa area ako noong tumawag ka [RNN],” ayon sa text message ni Dra. Aguirre sa Romblon News Network.
“Hindi yun official declaration of outbreak kasi dapat may study of an expert (epidemiologist) to analyze all data that we have and coordination with DOH [Department of Health] & LGU [Local Government Unit] before the declaration,” ayon pa sa text message.
Nauna ng sinabi ni Dra. Aguirre na ang mga barangay ng Dapawan, Tulay, at Tabin-Dagat sa bayan ang may pinakamaraming kasong naitala.
Nagsasagawa na rin umano ng misting operations sa mga nabanggit na barangay ang mga tauhan ng Department of Health Romblon at Rural Health Unit ng Odiongan upang mapigilan ang pagdami ng tinamtaan ng dengue virus.
Maliban sa Odiongan, sinabi rin ni Aguirre nitong Huwebes na meron na ring dengue cases sa iba pang bayan ng Tablas katulad ng Looc, Alcantara at San Andres.
Payo naman ni Aguirre sa bawa’t pamilya ay panatilihing malinis ang kani-kanilang bakuran para hindi pamahayan ng mga lamok na may dala ng nasabing sakit at kumunsulta rin umano agad sa doctor kapag nakitaan ng senyales na may dengue virus.