Opisyal nang binuksan ngayong araw ang Provincial Athletic Meet 2017 sa bayan ng Cajidiocan, Romblon.
May aabot sa 2,000 mga atleta galing sa iba’t ibang bayan ng Romblon ang tumungo sa Sibuyan Island para magpakitang gilas sa larangan ng kani-kanilang sports.
Nagkaroon ng parada kaninang umaga sa Poblacion ng Cajidiocan kung saan nag-ikot ang mga atleta, kasama ang kanilang mga coaches, at mga opisyal ng iba’t ibang barangay at munisipyo sa lalawigan.
Dumalo rin sa opening day sina Congressman Emmanuel Madrona, Governor Eduardo Firmalo, at Vice Governor Otik Riano.
Masaya namang sinalubong ang lahat ng bisita at mga atleta ng mga opisyal ng Cajidiocan, Romblon sa pangunguna ni Mayor Nicasio Ramos.
Opisyal na nagsimula ang Provincial Athletic Meet ngayong araw sa pamamagitan ng isang lighting ceremony ng isang torch at ang panunumpa bilang pagiging isang tapat na atleta.
Patuloy naman ang pagbabantay ng mga kapulisan ng Cajidiocan Municipal Police Station para sa maayos na Provincial Meet na magtatagal hanggang sa December 15.