Tinangay ng isang trabahador ang wallet ng Filipina na kasama ng isang dayuhang British National, matapos pasukin ang kanilang bahay nitong madaling araw ng Huwebes sa Barangay Hinag-oman sa bayan ng Ferrol, Romblon.
Sa report na nakarating sa Romblon Police Provincial Office, bandang alas-8:30 ng umaga nang magsumbong sa pulisya ang may-ari ng bahay na tinutuluyan ng Filipina na si Cherly Carbo, 26, at ng isang British National na si Philip Edgerley, 55.
Nilooban umano ang kwarto ng trabahador na kinilala sa pangalang Henry Mesina, residente ng Quiapo Manila at nasa Ferrol upang magtrabaho.
Sa imbestigasyon ng Ferrol Municipal Police Station, bandang 3:30 ng madaling araw nang magising ang dalawang nasa bahay dahil sa narinig na ingay, dito na nila nakita na papatakas na ang suspek.
Nakapasok umano ang suspek sa kwarto matapos sirain ang main sliding door gamit ang patalim, at nang nakapasok na, dito na niya ninakaw ang wallet ng Filipina. Sinubukan pang habulin ng dalawa ang suspek ngunit agad itong nakalayo.
Nagkasa na ng manhunt operation ang Ferrol Municipal Police Station laban sa suspek.
{googleads center}