by Paul Jaysent Fos, Romblon News | Wednesday, 06 July 2016
Sabay-sabay rin na sumuko kahapon sa mga tauhan ng kapulisan ng San Agustin Municipal Police Station sa pangunguna ni Police Inspector Clarms Mutia sa pakikipagtulungan ng Romblon Provincial Anti-Illegal Drugs Special Operations Task Group (PAIDSOTG) ang kilalang mga drug pushers sa bayan ng San Agustin.
Ayon sa police report ng San Agustin MPS na pinadala sa Romblon News Network, ang mga sumuko sa bayan ay nakalista bilang No. 5 at No.6 top drug personality ng bayan.
Maliban sa mga top drug personality, sumuko rin ang walo pang tulak umano at gumagamit ng droga kabilang ang isang barangay kagawad ng isa sa mga barangay ng bayan.
Ang mga sumukong tulak ay hindi ikukulong kundi ay tutulungan ng DSWD para sa kanilang rehabilitasyon.
Sinabi naman ng San Agustin MPS na patuloy nilang babantayan ang galaw ng mga sumuko.
Sa bayan naman ng Corcuera, sumuko rin ang isang construction worker na residente ng Barangay San Roque na nakalista bilang No. 1 drug personality ng isla.
Habang sa bayan ng San Andres, sumuko naman ang No. 6 drug personality ng bayan.
Handa naman silang tulungan ng munisipyo para sa kanilang pagbabago.