Matapos ang halos isang taon na pagtatago sa batas, nadakip ng mga tauhan ng Cajidiocan Municipal Police Station sa bayan ng Cajidiocan, Sibuyan Island, Romblon kahapon, June 20, ang wanted sa kasong carnapping sa Marilao City, Bulacan noong 2015.
Nakilala ang suspek na si Stephen Hormigos, 39 taong gulang, residente ng Barangay Danao, Cajidiocan, Romblon at nakatira sa Block 64 Lot 5 Heritage Homes, Brgy. Loma de Gato, Marilao, Bulacan.
Batay sa Police Report na pirmado ni Cajidiocan MPS Chief Police Inspector Edwin Bautista, may nag tip umano sa kanilang residente na namataan sa Barangay Danao ang suspek at agad namang nakipag-ugnayan ang kapulisan sa complainant na si Jason Binuya at sa korte upang humingi ng kopya ng warrant of arrest.
Agad namang nadakip ang suspek at hindi na nakapalag pa ng makorner ng mga awtoridad.
Nakakulong na ang suspek at inaasahang dadalhin sa Malolos City upang iharap sa korte.
May pyansang P200,000 ang kaso ni Hormigos.