by Paul Jaysent Fos, Romblon News | Sunday, 13 December 2015
Namatay ang isang estudyante ng Romblon State University Main Campus nitong Linggo ng umaga matapos masangkot sa aksidente ng dalawang motorsiklo madaling araw ng Sabado.
Nakilala ang estudyante na si Paul John Tejada, 5th Year Agricultural Engineering student, at residente ng Barangay Gabawan.
Batay sa nakalap na impormasyon ng Romblon News, pauwi na umano si Tejada galing sa isang bar sa bayan ng Odiongan ng masalpok ng motorsiklo na kasalubong niya sa bahagi ng National Road sa Barangay Gabawan. Paliko na umano si Tejada sa Barangay Road ng Brgy. Gabawan ng masalpok ng motorsiklo.
Ayon pa sa ibang unang tumulong kay Tejada sa pinangyarihan ng aksidente, wala umanong ilaw ang motorsiklo na sumalpok sa kanya kaya maaring ito ang dahilan kung bakit hindi napansin ni Tejada na meron pala siyang kasalubong.
Agad na naisugod sa Romblon Provincial Hospital si Tejada kasama ang driver ng motorsiklong sumalpok sa kanya ngunit binawian ng buhay si Tejada matapos ang halos 24 oras na comatose.