by Paul Jaysent Fos, RomblonNews | Wednesday, 30 September 2015
Tila nabigyan ng buhay ang pamilya ni Margilito Faderagao, ang lalakeng nawala nitong ika-22 ng Agosto matapos na dumalo sa isang sayawan sa Barangay Colong-Colong dahil sa paglutang ng isang witness na di-umanoy nakasaksi sa pagkawala ni Faderagao.
Ayon sa Romblon Provincial Police Office, isa umanong eyewitness ang lumapit sa Mayor ng Corcuera at ibinunyag na pinatay si Faderagao at hindi ito nawawala.
Hindi naman pinangalanan ng nasabing witness ang mga suspek at ibubunyag lang umano ang pangalan nila kapag naisampa na ang kaso.
Ayon rin sa text message na pinadala ni Police Senior Superintendent Juan B. Annonuevo, Provincial Director ng Romblon Provincial Police Office, takot umanong maglabas ng pahayag ang nasabing eyewitness sa mga pulis sa Corcuera at tanging sa Mayora lamang siya nagbigay ng pahayag dahil maaring may kamag-anak ang mga suspek sa kapulisan.
Ayon naman sa latest update ng Corcuera Municipal Police Office, nakahanda na ang kasong murder na isasampa sa mga nasabing suspek.
Hiniling naman ng mga ilang residente ng Simara Island na huwag katakutan ang nasabing krimen dahil isolated case umano ito at hindi naman kilala ang Corcuera sa ganung pag-uugali ng mga residente nito. Sinabi rin nila na bagkos na katakutan ang Corcuera, sana umanoy bisitahin at pasyalan pa ang mga natatagong ganda ng Isla.































