Nakatakdang magbukas sa publiko sa Nobyembre 13 ang Hataw Shopping Center sa Odiongan, Romblon matapos mabigyan ng occupancy clearance mula sa Municipal Engineering Office para sa bahagi ng gusali mula ground floor hanggang ikatlong palapag.
Ayon sa Municipal Planning and Development Office (MPDO) ng Odiongan, nagpapatuloy ang pag-aayos at paglalagay ng mga paninda sa mall bilang paghahanda sa pagbubukas nito.
Kabilang sa mga bahaging inaayos pa ang food court at kalahati ng ikatlong palapag na ilalaan sa play area. Nasa lugar na rin ang mga laruan na gagamitin sa naturang pasilidad.
Samantala, sa Enero 2027 pa nakatakdang magbukas ang Puregold Supermarket na sasakop sa kalahati ng ground floor ng gusali.
Ang pagbubukas ng Hataw Shopping Center ay magbibigay ng panibagong pagpipilian sa pamimili at paglilibang para sa mga residente ng Odiongan at mga karatig-bayan.


























