Pitong grupo ng mga estudyante ang lumahok sa isang linggong Hackathon na inorganisa ng Department of Science and Technology (DOST) Romblon sa pamamagitan ng kanilang Innovation Hub (iHub) upang makabuo ng mga makabagong solusyon sa pangangailangan ng komunidad at industriya.
Sumasailalim ang mga kalahok sa serye ng mga talakayan, mentoring at coaching bilang paghahanda sa pitching na nakatakda sa Oktubre 29, kung saan pipiliin ang mga mananalo.
Ayon kay DOST Romblon Provincial Director Marcelina Servañez, kasunod ang Hackathon ng IdeaTon na isinagawa noong nakaraang buwan, kung saan ipinresenta at sinuri ang mga paunang ideya ng mga kalahok.
Ang tatlong nangungunang grupo ay irerekomenda para sa incubation program ng Romblon State University (RSU) upang higit na mapaunlad ang kanilang mga ideya at prototype bilang mga produkto, sistema o posibleng startup business.
Maaari ring magkaroon ng pagkakataon ang mga kalahok na lumahok sa mga regional innovation competition at makakuha ng suporta mula sa mga kaugnay na programa, kabilang ang Philippine Startup Challenge para sa mga proyektong may kaugnayan sa information and communications technology (ICT).
Layunin ng programa na maisalin ang mga ideya ng mga estudyante tungo sa mga makabagong teknolohiyang tutugon sa mga hamon at pangangailangan ng komunidad at industriya.


























