Nakatakas mula sa kulungan nito sa loob ng tanggapan ng Provincial Environment and Natural Resources Office (PENRO) Romblon ang isang reticulated python na nasa kustodiya ng ahensya, ayon sa public advisory nito.
Batay sa abiso, natuklasang nawawala ang ahas sa pagitan ng alas-6:00 at alas-7:00 ng umaga ngayong araw, Oktubre 20.
Nagsasagawa na ang PENRO Romblon ng paghahanap at retrieval operations upang matukoy ang kinaroroonan ng ahas at matiyak ang kaligtasan ng publiko.
Pinapayuhan ang sinumang makakakita sa ahas na huwag itong lapitan o tangkaing hulihin. Sa halip, agad na iulat ang pagkakita rito sa PENRO Romblon o sa pinakamalapit na awtoridad.
Humingi rin ng paumanhin ang ahensya sa insidente at inako ang responsibilidad sa pagkukulang, kasabay ng pangakong magsasagawa ng mga hakbang upang maiwasan ang kahalintulad na pangyayari.
Maaaring iulat ang anumang pagkakita sa ahas sa PENRO Romblon sa numerong 0921-446-4696 o sa email na penroromblon@denr.gov.ph.


























