Isinusulong ng lokal na pamahalaan ng Ferrol sa pamamagitan ng kanilang Municipal Nutrition Action Officer katuwang ang Rural Health Unit (RHU) ng Ferrol ang mas malawak na pagtutulungan ng mga sektor ng kalusugan, agrikultura at serbisyong panlipunan upang matugunan ang malnutrisyon ng mga bata sa bayan.
Ayon kay Dr. Renato R. Menrige Jr., Municipal Health Officer ng Ferrol, bahagi ng programa ng RHU ang pagbibigay ng edukasyon sa mga ina tungkol sa wastong nutrisyon at mga pagkaing angkop sa pangangailangan ng kanilang mga anak upang masuportahan ang paglaki at pag-unlad ng mga ito.
Binigyang-diin ni Menrige na hindi sapat na nakatuon lamang sa serbisyong pangkalusugan ang mga hakbang laban sa malnutrisyon dahil nakaaapekto rin dito ang suplay ng pagkain at kakayahan ng mga pamilya na bumili ng masustansiyang pagkain.
“Ini-encourage din namin sa RHU na sana magkaroon ng unified program to address malnutrition, hindi lang po pang-health, kasama na doon ang agriculture,” pahayag ni Menrige.
Dahil dito, iminungkahi niya ang mas mahigpit na koordinasyon ng lokal na pamahalaan, RHU, sektor ng agrikultura at Social Welfare Office upang maiugnay ang mga programang pangkalusugan sa produksyon ng pagkain at mga inisyatiba para sa kabuhayan.
Layunin ng naturang hakbang na matugunan hindi lamang ang kakulangan sa masustansiyang pagkain kundi pati ang mga salik na nakaaapekto sa kakayahan ng mga pamilya na matugunan ang pang-araw-araw nilang pangangailangan.
Sinabi ni Menrige na sa pamamagitan ng pinagsama-samang programa sa kalusugan, nutrisyon, agrikultura at kabuhayan, inaasahang mapalawak ang access ng mga pamilya sa masustansiyang pagkain at mapalakas ang pagtugon sa malnutrisyon ng mga bata sa Ferrol.

























