May 28 miyembro ng Bagsik Coconut Farmers ang nakatanggap ng libreng salamin sa mata mula sa Philippine Coconut Authority (PCA) Romblon sa isinagawang pamamahagi nitong Oktubre 20.
Pinangunahan ni Agriculturist Milca Taytay ang distribusyon bilang pagtupad sa naunang pangako ng PCA Romblon sa mga benepisyaryo noong isinagawa ang medical mission sa komunidad.
Inaasahang makatutulong ang mga salamin sa mata sa mga magsasaka sa kanilang pang-araw-araw na gawain, lalo na sa mga nangangailangan ng karagdagang tulong sa paningin.
Nagpasalamat naman ang pamunuan ng Barangay Bagsik sa PCA Romblon para sa serbisyong ipinagkaloob sa mga miyembro ng samahan ng mga magsasaka ng niyog.

























