Binigyang-diin ni Sangguniang Panlalawigan (SP) Member Irene Morgado ang kahalagahan ng kooperatiba sa pagpapaunlad ng kabuhayan ng mga pamilya at pagpapanatili nito para sa susunod na henerasyon.
Sa isang panayam, sinabi ni Morgado na ang pagsali ng mas maraming mamamayan sa mga kooperatiba ay makatutulong sa pag-unlad ng ekonomiya ng komunidad.
“Kung hindi po natin sila hihikayatin or encourage na mag-join, mabagal po ang development ng ating ekonomiya,” ani Morgado.
Ayon sa kanya, kapag naging maayos ang kalagayang pang-ekonomiya ng bawat pamilya, magkakaroon sila ng mas malaking pagkakataong mapag-aral ang kanilang mga anak at makapag-ambag sa komunidad.
Binigyang-diin din niya ang kahalagahan ng pagpapanatili ng kabuhayan upang maipamana ito sa mga susunod na henerasyon.
“Magiging aware sila na maging sustainable ito kasi pwedeng ipamana yung livelihood sa mga next future generations,” dagdag niya.
Kabilang sa mga nais mahikayat ni Morgado na makilahok sa mga kooperatiba ang mga kabataan, magsasaka at mangingisda upang mas makilala nila ang mga oportunidad na maaaring makatulong sa kanilang kabuhayan.
Umaasa rin siya na magsisilbing inspirasyon sa kabataan ang pagkilala sa kakayahan ng mga taga-Romblon sa larangan ng kooperatiba at mahikayat silang maging bahagi ng pagpapaunlad ng kanilang mga komunidad.






















