Bago tuluyang masawi ang isang security guard sa loob ng Romblon State University (RSU) San Andres Campus noong Miyerkules, October 14, makikita sa isang kumakalat na video na nakalabas pa ito ng guardhouse at humingi ng tulong sa ilang gurong naroon.
Sa footage na nakuha ng Romblon News Network (RNN) mula sa mga source nito, makikitang duguan na ang biktima nang lumabas ito ng guardhouse. Ilang guro ang makikita sa video na agad na lumapit upang tulungan siya.
Ngunit ilang sandali lamang, bumalik ang suspek at muling hinabol ang biktima papasok sa guardhouse.
Sa puntong ito, makikitang sinusubukan ng biktima na makalayo at magtago. Maririnig din ang mga guro na nag-uutos na isara ang isang pinto, tila upang mapigilan ang suspek na makapasok. Hindi na ito nagawa ng biktima bago muling maabutan.
Ilang tao rin ang maririnig na sumisigaw sa suspek upang patigilin ito. Sa kabila nito, nagpatuloy ang paghabol hanggang sa makapasok silang muli sa guardhouse.
Hindi na makikita sa video ang mga sumunod na pangyayari sa loob ng guardhouse. Gayunman, ayon sa mga saksi na nakausap ng RNN, nakita na lamang nilang lumabas ang suspek mula sa lugar, habang hindi na muling nakalabas ang biktima.
Batay sa naunang ulat, dakong alas-2 ng hapon nang marinig ng mga saksi ang sigawan mula sa guardhouse. Natagpuan ang biktima na nagtamo ng maraming sugat sa iba’t ibang bahagi ng katawan. Agad itong isinugod sa San Andres Municipal Hospital, ngunit hindi na naisalba ng mga doktor.
Ayon kay Police Major Nanette Pablico, hepe ng San Andres Municipal Police Station, lumalabas sa paunang imbestigasyon na matagal nang may alitan ang dalawa at nauwi sa pananaga ang umano’y asaran habang nagpapalitan ng duty.
Kusang sumuko sa pulisya ang suspek at kasalukuyang nasa kustodiya nito habang inihahanda ang kaukulang kaso.
Wala pang inilalabas na pahayag ang Romblon State University kaugnay ng insidente.


























